May degree ako sa Information Technology.
Tried and tested conversation starter ito. Flash forward to today: nagtuturo ako ng communication at film courses sa college. Occasional filmmaker din ako. I make films if I make it to festivals and I also help in my filmmaker friends' projects. I specialized in film for my master's degree. I am studying short films for my doctoral dissertation in Philippine Studies.
Bakit ako kumuha ng IT, aber?
Flashback to March 2002. High school graduate ako sa Bulacan. Honors student pero walang malinaw na interes. 'Yung matataas ang nakukuhang grades sa mga subjects pero hindi alam kung ano talaga ang "gustong maging" in life. Teka, in two months magka-college na, kailangan nang magdesisyon.
UP or nothing ako noon. Sa high school namin, pag nasa top 5 ka, malamang papasa ka sa UPCAT. Habang tumatalon sa tuwa ang mga classmates ko dahil nalaman nilang pumasa sila (nakita daw ng mga insiders nila ang kanilang pangalan sa OUR), ako naman ay clueless. Walang social media noon at wala kaming Internet. Ilang araw ang nakalipas, talagang walang balita kung nakapasa ako. Sabay dumating yung letter of rejection noong March 2002. Aba, pasok ang UPG (university predicted grade) ko sa UP Baguio. Puwede akong magpareconsider, pero hindi gusto ni daddy na mag-aral ako sa Baguio kaya doon nagtapos ang UP dreams ko (pansamantala).
Pero hindi ibig sabihin na kapag pumasa ako sa UP e alam ko na ang "gusto kong maging" sa buhay. Anthropology ang kinuha kong course... at noong 2002, hindi ko alam kung tungkol saan ba ito. Basta maganda pakinggan, mailagay nga sa choices. Tapos yung second choice ko, Food Technology. Para akong nagdarts lang sa UPCAT form ko dahil wala akong idea sa buhay.
Ayun, graduate na ako ng high school pero wala akong papasukang kolehiyo. Ni hindi ako nagtake ng Ateneo, La Salle at UST entrance exams, kasi nga masyado akong confident na papasa ng UP (or actually, hindi rin naman daw ako makakapag-aral sa mga schools na 'yan kahit pumasa ako kasi mamahalin ang tuition, so 'di na ako pinagtest). In short, tapos na rin ang mga exams nila. Kaya napadpad ako sa U-Belt at sa isang school sa Mandaluyong.
Nag-exam ako sa UE, San Beda, San Sebastian, at Don Bosco. Dahil wala pa rin talaga akong alam sa kung ano ang "gusto kong maging" ay pinaglaruan ko na naman ang forms ko. Accountancy ang kinuha ko sa UE at San Beda, Mass Comm sa San Sebastian, Information Technology naman sa Don Bosco. This time, pumasa ako sa lahat. Sa UE, inofferan ako ng full scholarship with allowance, oha! Pero ewan ko ba, talagang hindi ko nakita ang sarili ko sa campus nila. Ganun din sa Baste. So napunta ang pagpipilian ko sa dalawang all boys college: San Beda at Don Bosco. (Pero pareho na silang co-ed ngayon).
Hindi ko na idedetalye ang paggawa ko ng SWOT analysis kung bakit mas pinili ko ang Don Bosco (joke lang ang SWOT) pero pakiramdam ko ay malaki ang papel ng pagiging "in" ng kursong IT noong early 2000s. Siguro dahil engineering school ang Don Bosco kaya medyo may insinuation si daddy na doon na lang ako mag-aral (pero hindi niya ako pinilit) lalo pa't IT ang pinili kong kurso. Ewan, pero noong panahong excited lang ako na tumayo sa sarili kong mga paa at tumira sa malayo ay mas pinili ko ang Don Bosco.
(Sumagi din pala sa isip kong kumuha ng Nursing sa FEU, kasi nga halos lahat ng batchmates ko ay nagnunursing noon. Magaling daw ako sa science tsaka nasasabi ko raw noong bata na gusto kong maging doctor. Pero natandaan ko 'yung panahong muntik na akong himatayin noong nagdissect kami ng palaka para sa Biology class noong second year high school. Doon ko napagtanto na matagal ko nang inekisan ang mga kursong medical-related.)
Sa madaling salita, hindi ko pa rin masagot kung bakit ako nag-IT. Nakita ko na lang ang sarili kong nagko-code, gumagawa ng websites, nag-aaral ng maraming math subjects (algebra, analytical geometry, statistics, as in marami pa), dumudugo ang ilong, nag-aaral ng theology (24 units mami... every sem may theo). Pero pagtapak ko ng fourth year college, na-introduce ako sa mundo ng pelikula. Mula noon ay napagtanto ko na hindi ang IT ang tamang mundo para sa akin. Grumaduate na lang ako.
Pagkakuha ko ng diploma ko, nag-aral akong muli, pero sa UP Film Institute. Sa edad 20 anyos, doon ko lang nalaman ang tunay na interes ko sa buhay.
Kung babalikan ang apat na taon ko sa kolehiyo, isa siyang void. Maraming nangyari sa buhay ko pero parang hindi ko sila matandaan. O baka tinatakasan ko lang ang bahaging ito nang buhay ko dahil hindi ko pa rin mabigyan ng kahulugan ang apat na taong dumaan. Sinasabi kong wala itong ginawang makabuluhang kontribusyon sa aking buhay, kahit sa kasalukuyan kong trabaho o karera, pero alam kong mayroon yan. Hindi ko lang ginagawan ng effort para isipin ang rason kung bakit nangyari ang apat na taong iyon.
Comments
Post a Comment